Ang Madalas na Minsan

Minsan, gustong kong huminto sa gitna ng kalsada habang nakahinto pulang ilaw sa gawing itaas. Gusto kong tumigil ang mundo ko ng pansamantala habang ang ibang tao ay patuloy pa rin sa kanya-kanyang ginagawa. Ang sarap siguro ng pakiramdam na wala akong kinikilalang society na maaaaring alalahanin. Alalalahanin kung anong iisipin nila sa akin. Gusto kong maging weird sa sarili kong paraan. Sa sarili kong kakayahan. Sa sarili kong kagustuhan. Kaya naman, gusto ko ring masubukan ‘yung pakiramdam ng titigil sa pedestrian lane habang ang mga sasakyan ay handa na sa pagharurot. Habang ang ilaw na berde ay handa na sa paghinto.

Minsan, gusto kong umupo sa gilid ng side walk na tanging ako lang ang nakakakilala sa akin. ‘Yung tipong walang ibang maaaring tumawag sa akin. Gusto kong magmasid sa mundo. Gusto kong isigaw sa lahat ang nararamdaman ko. Mukhang sira ulo man kung tutuusin, pero isa ‘yon sa pangarap na gusto kong abutin. Gusto kong tumulala sa bawat sasakyang daraan sa harap ko. Gusto kong bilangin kung ilang alikabok ang meron sa kanilang gulong.

Minsan, gusto kong sumakay sa jeep–nakaupo malapit sa tabi ng drayber at nagtatawag ng pasahero. ‘Yung pakiramdam na ako ang magtatanong kung saan pupunta ang pasahero at kung magkano ang isusukli ko. Gusto kong mapagod ng may magandang dahilan. Gusto kong mapagod ng may mabuting kahihinatnan. Nais kong maramdaman ang bawat patak ng pawis na tumutulo sa noo ng isang drayber. Ano kayang pakiramdam niya sa pabalik-balik na pag-ikot sa kanyang ruta. May pinagkaiba ba?

Minsan, gusto kong maging sikat. Sikat na pinagkakaguluhan ng tao. Isang sikat na walang magawa kundi magsawa sa papuri ng ibang tao. Hindi kaya nakakapagod ang pagtanggap ng mga kritisismo? Eh ang walang tigil na mga tawag ng tao? Ano kaya ang pakiramdam ng maraming matang nakatingin sa’yo? Masaya rin ba ang pakiramdam na pati ang pagdura mo ay tinitignan nila? Ang hirap rin sigurong pakinggan ng mga hiyawan na nagmumula sa ibang tao habang ang ibang bata ay sinisigawan ng kanilang mga magulang. Hindi ko kakayanin na masigawan ng gano’n katindi.

Minsan, gusto kong malunod. Hindi para mamatay kundi para maramdaman ang tubig sa aking paligid. Ang bagay na bumubuo sa aking pagkatao subalit minsan hindi ko nagawang mahawakan. Hanggang ngayon ay isa pa rin ako sa mga taong umaasa sa elementong ito. Kaawa-awa naman siya dahil halos lahat ng tao sa kanya umaasa. Pa’no na lang kaya ang buhay kung wala na siya?

Minsan, gusto kong tumingala at pumunta sa langit. Gusto kong magkaroon ng pakpak at yakapin ang malalambot na ulap. Nais kong maramdaman ang bawat bulak na didikit sa aking katawan. Ga’no kaya sila kalambot? Sila rin ba ay mailap? Tulad ng mga pangarap ko na kasing taas nila at tila mahirap mahagilap? Hanggang tingin na lang ba ako sa inyo, dahil wala akong kakayahang abutin kayo?

Minsan. Minsan. Minsan. Ayokong abusuhin ang salitang ito. Ang dami kong gusto. Ang dami kong hiling. Pero, katumbas no’n ay mga taong may ayaw sa akin. Kaya, minsan, napapaisip ako. Hanggang kailan ko gagamitin ang salitang minsan? Katulad nito, ginagamit ko na naman.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s