Pagpili at Pagpilit

Lahat tayo pinabayaang mabuhay sa mundo. Magkaroon ng sariling pamimili sa buhay na ito. Binigyan ng isang malayang pagpili sa tama o mali. Kung pera o bayong. Kung laban o bawi.

Lahat tayo binigyan ng gampanin sa mundo. Mabigyan ng impresyon ang bawat taong nakakasalamuha natin. Pinagkalooban tayo ng isang buhay na maaaring gamitin sa masarap o hindi. Maalat o matabang.

Lahat tayo naging tanga. Naging tanga sa larangan ng pag-ibig. Ipinaglaban ang taong hindi alam ang ating pangalan. Ipinagmalaki ang taong nanliliit sa atin. Ipinagkalandakan sa lahat na isang tao lang pala ang tatawagin mong mundo. Tinawag mo siyang mahal, irog, sinta. Tinawag mo siyang bhe, b3h, honey, bebs, at babe. Wala siyang ibang ginawa kundi tawagin ka sa pangalan mong ayaw mong marinig dahil hinihintay mo ring tawagin ka niya sa katagang gusto mong angkinin. Pero mahal mo, ‘yun ang sabi mo.

Lahat tayo naging tanga sa pagpili.

Pagpili ng kaibigang ating sinasamahan. Pagpili ng grupong ating kinabibilangan. Patuloy nating pinipiling pakisamahan ang mga taong akala nating magliligtas sa atin mula sa masalimuot na tadhana. Isang taong palagay mo ay kikilos para sagipin ka sa pagkalunod mula sa umaagos na dugong nananalaytay sa iyong katawan. Araw-araw nating pinipiling pakisamahan ang mga taong bote ang sagot sa problema, pagnanakaw ng ngiti ang sagot sa kahirapan, pag-langhap ng mga ilusyong walang patutunguhan, at ang pinakamasaklap ay ang pagsamba sa kamunduhan.

Lahat tayo ay naging tanga sa paggawa.

Isang kamaliang nag-ugat sa maling kursong iyong nakuha na nagpupumilit sa’yong gawin ang mga bagay na ayaw mo naman. Pagsagot sa walang sawang tawag mula sa kailaliman dahil ito ring tawag na ito ang sagot para ikaw naman ang mailagay sa ginhawang iyong inaasam. Isinusuka mo ang bawat pagpasok mo dahil alam mong hindi ka para roon. Alam mong may mas magandang lugar kang dapat pagsidlan. Ngunit hindi. Hindi pwede. Nawawala ang kalayaan mong pumili dahil ikaw ay nakatali sa maninipis na papel na nagdidikta ng iyong halaga. Maninipis na papel na kailangan mong ipunin upang makaalsa sa lupang itinayo ng iba.

Lahat tayo ay may piniling paglayo.

Pinili nating masaktan ng isang tao. Pinili nating malunod sa grupo ng taong akala nati’y magbibigay ginhawa sa atin. Pinili at pinilit nating saktan an gating katawan sa paggawa ng bagay na ayaw mo naman. Pinili at pinilit dalawang salitang isang titik lang ang pinagkaiba.

Lahat tayo ay may pinili ngunit hindi lahat ito ay may bungang naibigay. Subalit, may bagay ka pa ring hindi pinili—ang iyong pamilya.

Na pagdating ng panahon, kahit anong maling pagpili ang gawin mo, sila pa rin ang taong kakanlong sa iyo. Hindi mo man sila tawaging mahal o beh, asahan mong sila ang kukupkop at magbibigay ng isang karanasang hindi mo makakalimutan.

Pamilya pa rin ang tatanggap sa iyo sa panahong lunod ka na sa iyong bisyo. Sila ang tatanggap sa iyo nang buong-buo. Walang pag-aalinlangan. Walang pag-dadalawang isip. Sila ang magmamahal sa iyo sa panahong kalimutan ka ni beh, lasingin ka ng alak, at lokohin ka ng iyong sariling pagpili.

Pamilya pa rin ang bagay na hindi mo pinili ngunit mabuting ipinilit sa buhay mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s