Simbang gabi, tabi, landi, at kwentong OOTD.

Tiyak na nararamdaman mo na ang malamig na simoy  ng hangin. Tumutugtog na ang kanta ni Jose Marie Chan. Marami nang kumakanta ng “All I want for Christmas is you…” Marami nang naghihinanakit dahil wala silang kasama sa papalapit na kapaskuhan. Isa-isa nang nagmamahalan ang mga handang pang-Noche Buena. Dumadami na ang nag-po-post sa Facebook ng “Simbang Gabi, 1/9.”

Ahh. Malapit na talaga ang kapaskuhan. Isa ka sa mga kabataang gustong maging espesyal ang selebrasyong ito. Pero ang susunod na tanong ay maibabato sa iyo. Ano ang kahandaang ginagawa mo?

Nagdesisyon kang kumpletuhin ang simbang gabi. Subalit, sa pagsisimba mo ay hindi mo maiwasang mapatingin sa mga kabataang nasa labas ng simbahan. Sa labas ng simbahan na kung saan madilim, at malayo sa katotohanan.

Nag-iisip kang bakit sila sa labas nagsisimba? Bakit sila magkahawak ng kamay? Bakit sila nagsisimbang tabi? Bakit sila nagsisimbang landi? Bakit sila nagsisimbang para pumorma lang?

Sa pagpasok mo sa simbahan, hindi mo maiwasang tumingin sa kanilang mga mukha. Mga mukha na tila walang interes sa Banal na Eukaristiyang sinadya mo. Mukhang hindi nila pinapahalagahan ang mga sandaling nagkakaroon ng homiliya ang lalaki sa altar. Napapaisip ka kung paano nila naaatim ang ganoong gawain.

Nag-post ka kanina sa Facebook.

“Simbang gabi ha, hindi simbang landi, tabi, at OOTD.”

Sa pag-post mo nito, naramdaman mong ang banal mo. Isipin mo na isa ka sa mga nakakaisip na magpaalala sa kanila na magsimba nang maayos, katulad mo.Isa ka sa mga tumutuya sa kanila sa tuwing hindi nila nagagampanan ang mga bagay na ginagawa mo sa Banal na Misa.

Pero minsan, naisip mo ba, na ang paggising nila nang maaga ay isang sakripisyo na? Naisip mo bang sa paggising nilang iyon, maaaring hindi na sapat ang kanilang pahinga para sa gagampanan nilang trabaho kinabukasan? Maaaring may kasama silang mukhang ka-relasyon nila, pero naisip mo ba na baka ang taong iyon na lamang ang gabay at tumutulong sa kanila sa mga panahong wala silang makapita? Naisip mo bang sa pagsusuot nila ng #OOTD ay naipapahayag nila ang kanilang hinanakit. Na ang pagsuot nila ng itim ay pagpapahayag sa mga damdaming hindi nila mailabas dahil sa tindi ng galit?

Nakakatuwang isipin na kahit siyam na gabi ay naaalala nilang magsimba, magbalik-loob. Nakakatuwang isipin na kahit sa mga ganitong panahon ay naaalala nilang makipag-usap muli sa Panginoon. Sila ang mga taong may hugot at talagang pinanggagalingan. Sila ang mga taong mas kailangan mong unawain. Sila ang mga taong sana, imbes na tutyain, ay tulungan. Sila ang mga kapatid mo sa pananampalataya.

Hindi masamang magpaalala, pero sa pagpapaalala ay dapat haluan ito ng pagmamahal. Katulad na lang ni Hesus. Hindi siya nagsasawang umunawa sa atin. Hindi siya nagsasawang makinig sa walang katapusang dasal natin kahit gaano pa karami ang ating kasalanan. Hindi siya nagsasawang tayo ay mahalin. Mahal ka Niya, at sadyang hinihintay ka rin Niyang magbalik sa Kanya.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s